-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Mahigpit na binabantayan ngayon ng Federation of Free Farmers ang presyuhan ng produktong bigas sa mga pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raul Montemayor, National Manager ng Federation of Free Farmers, sinabi nito na patuloy ang pagtaas ng bigas sa merkado at mayroong pangamba na maaari pa itong mas lalong tumaas gaya ng nangyaring pagmahal sa mga imported na bigas.

Aniya na sa mga ganitong pagkakataon ay nagkakaroon ng malaking epekto sa domestic price kung saan ang lokal na produktong bigas ay sumasabay sa pagmahal ng bentahan ng mga imported na klase ng bigas sa mga pamilihan.

Saad nito na kung mapaguusapan ang suplay ng lokal na produksyon ng bigas ay nagkukulang talaga ito upang mapigilan ang pag-aangkat mula sa ibang mga bansa sapagkat ay sumasapat lamang para sa 80% ng pangangailangan ng mga Pilipino sa loob ng isa lamang na taon.

Subalit gaya naman ngayon na katatapos lamang ng anihan ay marami namang suplay ang bansa kahit na wala o kakaunti man ang importers. Gayunpaman maaaring maging problema na darating ang araw na kahit ang mga ani ay mauubos din kung walang papasok na imported na bigas.

Dagdag pa nito na dahil maraming klase ng bigas sa mga pamilihan kung saan ilan sa mga ito ay naglalaro sa pagitan ng P40 hanggang P60/kilo depende sa variety at depende rin sa paggiling.

Ang mga presyong ito aniya ay hindi naman ang presyuhan ng mga magsasaka sa mga trader dahil nadodoble ang farmgate price na P30 kapag ibinebenta na ng mga trader ang palay na nabili nila mula sa mga magsasaka sa ibang mga trader o di naman kaya’y sa mga miller.

Kaugnay nito ay dapat na muna umanong kalimutan ang P20/kilo na bigas sa ngayon sapagkat mahihirapang maisakatuparan ito kung sa bentahan na ng palay ay umaabot na sa P25 hanggang P30. Aniya na mataas na ang bentahan ng bigas ngayon subalit hindi na rin ito gaano pang tataas dahil may pumapasok pa galing ibang mga bansa.

Saad nito na kung mas magmamahal pa ang lokal na bigas, ay mas tatangkilikin naman ng mga konsyumer ang imported na bigas, at kung magkataaon ay mapipilitan din ang lokal na bigas na tapatan ang presyuhan ng imported.

Ito naman aniya ang nakikita nilang salik na pipigil sa pagbulusok ng presyo ng bigas sa merkado.