-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Ikinatuwa ng Federation of Free Farmers ang pagbuhay sa Masagana 99 Program na maaaring maging daan sa pagsasakatuparan ng ₱20 kada kilo ng bigas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng naturang samahan, sinabi nito na bagamat maganda ang konsepto at layunin ng nabanggit na programa ay may ilang mga salik sa ilalim nito ang mas kinakailangan pang pagbutihin para sa mga kasalukuyang mga ginagawang pagtugon sa lokal na produksyon ng bigas sa bansa.

Aniya na magiging posible na maisakatuparan ang pinakamababang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produksyon sa bawat ektarya na tinatamnan ng palay at gayon din ang pagpapababa mg gastos ng mga magsasaka sa produksyon ng palay.

Maliban dito ay mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat at maayos na irrigation system, mga extension service na ipinamamahagi sa mga magsasaka, at pati na rin ang pagpapantay sa presyo ng pataba, pesticide, at iba pang mga gastos sa paggawa.

Sa pamamagitan lamang aniya ng paglalaan ng tama at sapat na pondo, partikular na para sa Kagawaran ng Pagsasaka, ay maaaring makamit ng bansang Pilipinas ang layon nitong mapababa hanggang sa P20 ang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan.

Bukod pa rito ay mahalaga rin ang pagkakaroon ng matatag na ugnayan sa pagitan ng mga Local Government Units at Kagawaran ng Pagsasaka upang mas matutukan ang pagtugon sa nasabing usapin at masiguro ang pagkakaroon ng mas magandang serbisyo ng mga farm technicians sa mga magsasaka.

Kaugnay nito ay tiwala naman si Montemayor na sa kabila ng iba’t ibang mga suliranin at hamon na kinahaharap ng bansa sa industriya ng agrikultura ay napapanahon naman ang pagsulong sa pagbuhay sa Masagana 99 Program.

Gayunpaman, ay gugugol pa rin aniya ang naturang programa ng maraming oras lalo na’t hindi madali ang mga kakailanganing solusyon sa pagkamit sa layunin nito.

Bagamat aabutin ito aniya ng maraming taon ay makatitiyak naman na makakamit ito kung matututukan ng gobyerno ang mga aspeto sa agrikultura ng bansa na nangangailangan ng kagyat na pagtugon.