INDIAN WELLS, California – Muling namayani ang beteranong si Roger Federer sa kanyang karibal na si Rafael Nadal 6-2, 6-3 sa fourth-round match sa nagpapatuloy na BNP Paribas Open.
Bagamat abanse pa rin si Nadal sa head-to-head match up nila 23-13, pinalasap naman sa kanya ni Federer ang ikatlong sunod-sunod na talo sa unang pagkakataon.
Kung maaalala, naging makasaysayan din ang epic comeback ng Swiss superstar sa Australian Open final, dalawang buwan na ang nakakalipas.
Ayon kay Federer, masarap ang pakiramdam na tinalo niya si Nadal at ang pinakamalaki ay sa pagkampeon niya sa Australian Open.
Sa laro kanina kinailangan lamang ng 35-anyos na si Federer (seeded No. 9) ng 68 minutes upang sirain ang diskarte ni Nadal (No. 5) ng apat na beses sa harap ng maraming fans na pumuno sa Stadium 1.
Target ni Federer na maibulsa ang ikalimang korona sa Indian Wells.
Samantala ang isa pa sa “Big Four” na si Novak Djokovic (No. 2) ay nagwakas na rin ang 19-match winning streak sa desert tournament.
Ito ay makaraang masilat siya ni Nick Kyrgios (No. 15) sa score na 6-4, 7-6 (3).
Napasama na tuloy si Djokovic sa maagang nagpahinga tulad nina Nadal at top-ranked na si Andy Murray (No. 1) na na-upset din sa second round.
Nagkataon pa kasi na sina Djokovic, Federer at Nadal ay napunta sa iisang draw kaya inaasahan na merong malalaglag sa kanila na mga bigating pangalan.
Ito na ang ikalawang beses sa loob lamang ng dalawang linggo na tinalo ni Kyrgios si Djokovic sa ginanap namang torneyo sa Acapulco noong March 2.
Sa ibang laro umusad na rin si Stan Wawrinka, seeded number three, matapos ang 3-6, 6-3, 7-6 (4) victory kontra kay Yoshihito Nishioka.