KEY BISCAYNE, Fla. – Muling mabubuhay ang matinding rivalry ng dalawang tennis greats na sina Roger Federer at Rafael Nadal dahil sa nakatakda nilang showdown sa championship ng Miami Open bukas.
Kung maalala huling nagtuos ang dalawa sa championships noong buwan ng Enero sa Australian Open kung saan nagkampeon ang 35-anyos na Swiss star.
Nito namang nakalipas na mahigit dalawang linggo ay namayani muli si Federer sa Indian Wells laban kay Nadal.
Una rito, kinailangan ni Federer ng tatlong sets bago tuluyang nadispatsa sa semifinal ng Miami Open ang Australian na si Nick Kyrgios 7-6 (9), 6-7 (9), 7-6 (5).
May pagkakataon pa na naasar si Kyrgios sa kaniyang inilaro at tatlong beses na ibinalibag ang racket sa hard court.
Umani rin ito ng boo o kantiyaw sa mga nanood.
Samantala ang kauna-unahang banggaan nina Federer at Nadal ay nangyari rin 13 taon na ang nakakaraan doon din sa Key Biscayne.
Umusad sa finals ang 14-time Grand Slam champion na si Nadal matapos na talunin niya kanina si Fabio Fognini ng Italy sa straight sets, 6-1, 7-5 sa Miami Open.
Ang 29-anyos na si Fognini, ang unang unseeded player sa loob ng 10 taon na umabot sa last four nang masilat niya si Kei Nishikori.
Pero hindi na umubra ang world’s number 40 sa kanyang mahinang simula laban kay Nadal, na hindi man lamang nakaranas ng single break point.
Samantala sa women’s final mamaya maghaharap naman ang British number one na si Johanna Konta kontra kay Denmark’s Caroline Wozniacki.
Si Konta, 25, ang unang British woman na umabot sa Miami Open final makaraang magwagi sa 6-4, 7-5 laban kay Venus Williams nitong nakalipas na araw sa last four.