-- Advertisements --
cynthia villar

Ibinabala ng agricultural group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na maaaring magresulta ng panibagong fertilizer scam ang inilabas na memorandum order ng Department of Agriculture (DA) sa paggamit ng biofertilizers.

Maaalala kasi noong Abril 27, naglabas ng DA ng Memorandum Order No. 32 na nagtatakda sa guidelines sa pamamahagi at paggamit ng biofertilizers ngayong taon para mapalago ang produksiyon ng bigas.

Sinabi din ng DA sa naturang memorandum order ang paggamit ng dalawang bags ng inorganic fertilizer urea kada ektarya ay nagkakahalaga ng P4,000 habang ang selected biofertilizers ay maaaring palitan ng nasa dalawang bags ng urea nang hindi nasasakripisyo ang ani.

Subalit ayon kay SINAG chairperson Rosendo So, depektibo ang basehan ng naturang memo dahil ang halaga ngayon ng urea ay nasa P1,100 lamang per bag habang sa 2 bags naman kada ektarya, ang presyo ng urea ay nasa P2,200 lamang kada ektarya taliwas ito sa Memo na nasa P4,000 kada ektarya.

Iginiit din ni So na ang paggamit ng biofertilizers sa commercial scale ay hindi pa napapatunayang magreresulta sa mas mataas na ano at cost efficiency at wala pang isinasagawang field trials at commercial test na gagarantiya para sa biglaang paggamit biofertilizers sa buong bansa.

Sa halip, inirekomenda ni So ang paggamit ng compost chicken waste bilang mas murang organic fertilizer at iginiit sa DA na ang pagsusulong ng paggamit ng biofertilizers ay hindi magpapababa sa production costs lalo na sa nakaambang El Nino phenomenon.

Sumulat na rin ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kasalukuyang kalihim ng DA at kay Senator Cynthia Villar na namumuno sa Committee on agriculture and food para sa agarang intervention na bawiin o irecall ang Memorandum order ng DA.