CAUAYAN CITY – Natagpuan ng isang construction worker ang isang fetus na itinapon sa ilalim ng tulay sa bahagi ng Purok Ilang-ilang, Bagabag, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Solano Police Station, sinabi niya na isang construction worker ang bumaba sa tulay na siya ring nakakita sa fetus.
Aniya, nakita ng construction worker ang bagay na balot ng tela at nang inangat niya ito ay nakakita siya ng maliit na paa kaya agad siyang nag-ulat sa pulisya.
Pagdating ng mga pulis ay nakumpirma ang pagkakatagpo sa fetus kaya hiningi nila ang tulong ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Batay sa assesment ng SOCO tinatayang nasa lima hanggang anim na buwan na ang natagpuang fetus.
Sa kasalukuyan ay hindi pa natutukoy kung sino ang ina ng sanggol at nakikipag ugnayan na sila sa Municipal Health Unit at sa bawat Barangay upang matukoy kung sino ang buntis na posibleng nakatakdang manganak ngayong taon upang matunton ang ina ng natagpuang fetus.
Pisible ring itinapon ang fetus mula sa itaas ng tulay dahil sa pag-aakalang sa tubig ito malalaglag subalit nahulog ito sa mabatong bahagi sa ilalim ng tulay.
Kung matutukoy ang ina ng naturang fetus ay posible itong maharap sa kasong abortion at infanticide.
Paalala niya sa mga nakakaranas ng suliranin sa pagbubuntis na may tamang ahensya na maaari nilang malapitan para sila ay magabayan.