-- Advertisements --

Inaasahan ang muling pamamayagpag ng Men’s Basketball Team ng Germany sa nalalapit na Paris Olympics kasabay ng patuloy na commitment ng mga German NBA players sa kanilang bansa.

Sa nalalapit na Paris Olympics ay inaasahang maglalaro dito ang limang NBA players sa pangunguna ni dating FIBA 2023 MVP Dennis Schroder na kasalukuyang nasa Brooklyn Nets.

Makakasama ni Schroder sina Isaac Bonga na dating NBA player, at Los Angeles Clippers bigman Daniel Theis.

Ang dalawang Wagner brothers mula sa Orlando Magic ay inaasahan ding maglalaro sa German team(Mo Wagner at Franz Wagner). Ang dalawa ay una nang nagpakita ng magandang performance sa court na naging dahilan ng pagpasok ng Magic sa Playoff 2024.

Maalalang ang Team Germany ang tinanghal bilang kampeon sa FIBA 2023 na ginanap sa Pilipinas noong Aug 25, 2023 hanggang Sep 10, 2023.

Nagawa ng Germany na talunin ang Team USA sa semi-finals ng FIBA at tuluyang umusad sa championship game, kaharap ang Serbia.

Sa championship, tinalo ng Germany ang team Serbia, 93 – 77 at tuluyang ginawaran bilang world champion sa basketball.

Dahil sa pagiging kampeon, pasok na ang Germany sa Olympics kung saan nakahanay nito ang France, Japan, at ang magiging winner ng Latvia Qualifying Tournament. Ang mga ito ay nakahanay sa Group B.