-- Advertisements --

Maganda ang umpisa ng kampanya ng Philippine women’s team sa FIBA 3×3 Asia Cup makaraang itala ang 21-1 dominasyon sa Samoa sa kanilang unang laro ngayong Miyerkules sa Changsha, China.

Kinailangan lamang ng mga Pinay ang pitong minuto at 34 segundo upang irehistro ang kanilang tagumpay.

Nanguna sa hanay ng Pinay cagers si Afril Bernardino na kumamada ng walong puntos, habang may anim na puntos namang idinagdag si Clare Castro.

Si Carolett Autufuga naman ang tanging player na nagbigay ng iskor para sa Samoa, na nasa ika-18 seed.

Samantala, mistulang inalat naman ang Philippine men’s team nang ilaglag sila ng Thailand, 14-11, sa unang laro ng qualifying draw.

Nagsalpak naman ng apat na puntos si RJ Abarrientos, at may tigdalawa naman sina Barkley Ebona at Rhayyan Amsali.

Nagtapos namang may tatlong markers si Ricci Rivero, bago magtamo ng ankle injury sa huling bahagi ng laro.

Hindi pa tiyak kung makakabalik pa si Rivero upang makapaglaro para sa Pilipinas.

Sunod na haharapin ng men’s team ang Qatar, samantalang sasagupain naman ng women’s team sa Chinese Taipei.