(Update) Posibleng hindi na makapaglaro muli sa 2019 FIBA Under-(U)19 World Cup ang star center ng Gilas Pilipinas Youth na si AJ Edu.
Ito’y matapos tila malubha ang tinamo nitong injury base sa pagsailalim sa magnetic resonance imaging (MRI).
Lumalabas sa paunang resulta na dumanas ang 19-year-old athlete ng pagkapunit ng kanyang anterior cruciate ligament (ACL) at meniscal sa kanang tuhod, gayundin ng hairline fracture sa kanang femur bone o banda sa hita.
Ayon kay George Yorobe, physical therapist ng Gilas Pilipinas Youth, isinugod si Edu sa pinakamalapit na diagnostics hospital sa Greece upang masuri.
Gayunman, bukas pa kasabay ng unang araw ng Hulyo ilalabas ang official results ng kanyang MRI.
Nag-request na rin aniya sila ng orthopedic doctor sa mismong FIBA upang suriin ang Pinoy athlete.
Una rito, hindi nakaporma sa kanilang unang laro sa 2019 FIBA U19 World Cup ang Gilas Pilipinas Youth makaraang itumba sila ng host country na Greece, 69-85, sa Heraklion Arena, ngayong Linggo (Manila time).
Tumipon ng 13 points, 10 rebounds, tatlong blocks at tatlong assists si Kai Sotto ngunit hindi ito naging sapat para mapanatili nila ang kanilang mainit na simula.
Mistulang nakaapekto rin sa Pinoy cagers ang pag-alis nang maaga ni AJ Edu dahil nga sa mga natamong injury sa tuhod.
Susubukan namang bumawi ng Pilipinas sa pagtatagpo nila ng Argentina mamayang gabi.