Napadpad ang Gilas Pilipinas sa Group A, kasama ang Korea, at mga kapitbahay na Thailand at Indonesia, para sa 2021 Fiba Asia Cup qualifiers.
Sa ginanap na draw ceremony sa Bangalore, India nitong Sabado ng gabi, si dating Gilas captain Jimmy Alapag ang mismong bumunot para sa Pilipinas, kaya ito napunta sa nasabing grupo.
Ang panibagong format ng qualification para sa Fiba Asia Cup ay parehas lamang din sa Fiba World Cup kung saan 24 koponan ang igugrupo sa amin at maglalaro sa isang home-and-away format na gaganapin sa Nobyembre 2019, Pebrero 2020, at Nobyembre 2020.
Ang dawalang top teams sa bawat grupo ay otomatikong uusad sa 2021 Fiba Asia Cup, habang ang sunod namang apat na teams ay idedetermina ng isang quarterfinal tournament sa Pebrero 2021 kung saan maglalaban-laban ang mga third placers sa lahat ng anim na grupo.
Samantala, bubuuin naman ng China, Chinese Taipei, Japan, at Malaysia ang Group B, samantalang ang defending champion Australia, New Zealand, Hong Kong, at Guam naman sa Group C.
Ang Bahrain, Lebanon, India, at Iraq ang babandera sa Group D, habang ang Iran, Qatar, Saudi Arabia, at Syria naman sa Group E.
Sa Group F naman ang Jordan, Kazakhstan, Sri Lanka, at Palestine.