Inurong ng FIBA ang kanilang competition schedule kasama na ang FIBA asia cup kasunod ng pagpapaliban sa 2020 Tokyo Olympics hanggang sa susunod na taon.
Matapos ang isinagawang board meeting, nagpasya ang FIBA na ilipat ang Asia Cup sa Agosto 17 hanggang 29, na orihinal na naka-schedule sa Agosto 3-15.
Bago ito, nagdesisyon ang International Olympic Committee (IOC) na iurong na lamang ang Tokyo Games sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 ng susunod na taon dahil sa coronavirus pandemic.
Hawak ng Gilas Pilipinas ang 1-0 record sa qualifiers matapos nilang talunin ang Indonesia noong Pebrero sa 2021 Fiba Asia Cup qualifiers.
Naka-pending pa rin sa ngayon ang home game ng Gilas kontra Thailand na na-postpone dahil sa COVID-19.
Samantala, inilipat na rin ang schedule ng Fiba AfroBasket 2021 mula Agosto 17-29 sa Agosto 24-Setyembre 5.
Maging ang 2021 Eurobasket at 2021 AmeriCup ay ni-reschedule na rin ng FIBA, na isasagawa na sa Setyembre 1-18, 2022.