Aminado ang Philippine men’s basketball team na nahaharap sila sa mabigat na laban sa nakatakda nilang pakikipagtuos sa koponan ng Thailand sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers sa Manama, Bahrain.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Jong Uichico, lamang ang Thailand sa chemistry at familiarity dahil matagal nang naglalaro nang magkakasama ang Thai squad.
Sa kaso kasi ng Pinoy team, ang ilan sa kanila ay unang pagkakataon lamang na maglalaro sa international level.
“Ang mahirap lang naman sa Thailand, compared to our Gilas team that is going, mas matagal silang naglaro ng together. Because club team sila eh, they are a club team,” sabi ni Uichico.
Sinabi naman ni Gilas program director Tab Baldwin, bagama’t batid nilang marami pang puwedeng magbago sa istilo ng Thailand, alam na raw nila ang ilan sa mga sistema ng kanilang laro.
“We have video, we have an understanding of their basic systems. Obviously, things can change, but we feel like we have a reasonable idea of their personnel, and we have some expectations of the types of systems that they play,” wika ni Baldwin.
Dalawang beses maghaharap ang Thailand at Pilipinas na magaganap sa Nobyembre 27 at 30.