-- Advertisements --

Posible umanong maging malaking banta sa title defense ng Team USA sa papalapit na 2019 FIBA World Cup ang isa pang powerhouse team na Serbia.

Ayon sa mga tagapagmasid, hindi pa kasi nakakalasap ng pagkatalo ang world No. 4 sa nilahukan nilang mga exhibition games kung saan nila nagapi ang Lithuania, Italy, at Greece na pinangunahan ni 2019 NBA MVP Giannis Antetokounmpo.

Dahil dito ay umakyat ang Serbia sa pinakatuktok ng World Cup Power Rankings, at nakasunod lamang sa kanila ang Team USA na nasilat ng Australia sa isang tune-up game kamakailan.

Inaasahan ding babandera sa Serbia ang tinaguriang triumvirate ng mga big men na kinatatampukan nina Nikola Jokic ng Denver Nuggets, Boban Marjanovic ng Philadelphia 76ers at Nemanja Bjelica (Biyelitsa) ng Sacramento Kings.

Maliban dito, magiging bala rin ng Serbia sina Bogdan Bogdanovic (Kings), Marko Guduric, 7-footer Miroslav Raduljica, at iba pa.

Kaugnay nito, sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao sa panayam ng Bombo Radyo, inaasahan na raw nila na mas mahirap ang magiging paghamon nila sa Serbia sa Setyembre 2 na bahagi ng group phase ng torneyo.

Ani Guiao, tiyak daw na mas mahirap pa ang magiging pagtutuos nila ng Serbia kumpara sa isa pang powerhouse team na Italy.

Gayunman, binigyang-diin ni Guiao na haharapin nila nang buong giting ang Serbia kahit hindi pabor sa kanila ang sitwasyon.

“Mas mahirap ang laban [sa Serbia], pero we will adopt the same attitude, ika nga,” wika ni Guiao. “Pagpunta natin [sa Foshan, China] at ‘pag kalaban natin sila, kailangan makipagsabayan din tayo at maniwala rin tayo na kaya rin nating madisgrasya ang Serbia.”