LAOAG CITY – Magtatagal pa hanggang bukas, Agosto 23 ang FIBA Naismith Trophy na sa ngayon ay nasa lalawigan ng Ilocos Norte.
Kasama sa mga bumisita sa probinsya ay si Arwind Santos, ang Gilas Ambassador kung saan sinabi nito labis ang suporta nila sa FIBA World Cup.
Ayon kay Santos, pinaghandaan ng Gilas Pilipinas ang lahat ng mga laban nila lalo’t mabibigat ang mga magiging kalaban ng Pilipinas.
Naniniwala naman si Santos na hindi magpapatalo ang mga players ng Pilipinas dahil buo ang suporta ng ibinibigay ng pamahalaan at mga kababayan.
Hinimok rin ni Santos ang mga Pilipino na maniwala sa kakayahan ng mga players ng bansa para sa tagumpay.
Samantala, sinabi naman ni Mr. James Menesses na isa sa mga dahilan ng kanilang pagpunta ay para maipakita sa mga Ilokano ang FIBA Naismith trophy.
Inihayag nito na importante rin na maipakita hindi lamang sa mga kababayan kundi sa buong mundo ang ganda ng Ilocos Norte kaya’t nag-iikot na sila sa mga sikat na landmarks ng probinsya.
Unang ipinakita ang FIBA Naismith trophy sa kapitolyo probinsyal at inilagay rin sa Robinsons Mall sa bayan ng San Nicolas.