Ikinalugod ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang anunsyo ng FIBA na isa ang Pilipinas sa magiging host ng third window ng 2021 Fiba Asia Cup qualifiers sa Pebrero 2021.
Ayon kay SBP President Al Panlilio, patunay lamang daw ito na may tiwala sa bansa ang international body.
Una rito, nabigyan ng hosting rights ang Clark, Pampanga para sa ikatlong window ng kompetisyon.
Kagrupo ng Pilipinas sa Group A ang South Korea, Indonesia, at Thailand.
Magugunitang kagagaling lamang ng Gilas sa matagumpay na kampanya matapos walisin sa dalawang laro ang Thailand sa Manama, Bahrain para hawakan ang 3-0 win-loss record.
Nakatakdang harapin ng Pilipinas ang Indonesia at Korea sa serye ng laro at kailangan na lang ng isang panalo ang Gilas para makapasok sa 2021 Fiba Asia Cup.
Bukod sa Group A, ang laro sa Group C na binubuo ng Australia, New Zealand, Guam, at Hong Kong ay gaganapin din sa Pampanga.