-- Advertisements --

Opisyal nang isinama sa coaching staff ng Philippine men’s basketball team na lalahok sa ikatlo at huling window ng FIBA Asia Cup qualifiers sina Norman Black at Caloy Garcia.

Mag-uumpisa ang trabaho nina Black at Garcia sa pagsailalim ng Gilas Pilipinas sa bubble training sa Inspire Sports Academy sa Laguna ngayong buwan.

Itinakda naman ang qualifiers mula Pebrero 18 hanggang 21 sa ilalim ng bubble set-up sa Clark Mimosa kagaya ng PBA Season 45.

Ayon kay Black, kaagad niyang tinanggap ang alok ni Gilas program director Tab Baldwin na maging bahagi ng national team.

Huling nagtrabaho si Black sa Gilas noong 2014 FIBA World Cup sa Spain, at ito rin ang head tactician ng bansa noong naiuwi ng bansa ang basketball gold noong 2011 Southeast Asian Games sa Jakarta.

“I’m always happy to serve the Philippines. Serving the national team is always a good experience,” wika ni Black.

Sinabi naman ni Garcia, welcome para sa kanya ang isa pang oportunidad na maging parte ng pambansang koponan matapos na maging bahagi ng staff ni Yeng Guiao noong qualifiers at FIBA World Cup proper noong 2019.

“I’m happy na isinama ako because I get to learn new system under coach Tab when we know he’s one of the best coaches internationally. So that’s added knowledge,” ani Garcia.

Samantala, mananatili pa rin sa Gilas coaching staff sina Boyet Fernandez at Alton Lister.