-- Advertisements --

Inaasahan umano ng Philippine Basketball Association (PBA) na makapagdedesisyon na ang FIBA kaugnay sa mga Gilas players na nasangkot sa rambulan laban sa ilang miyembro ng Australian national basketball team.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial, magsusumite sila ng mga ebidensiya na video, gayundin ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) sa tanggapan ng FIBA upang patunayan na hindi ang mga Pinoy ang nagpasimula sa away.

Inaasahan din ng PBA na ganun din ang gagawin ng Australia kung saan magpapadala rin daw sila ng video clips.

Ayon kay Marcial na sa kanilang pagtataya, sa loob ng lima hanggang pitong araw ay maaaring mag-isyu na ng ruling ang FIBA Court.

Inamin din ng opisyal na maging sila ay naghahanda na rin sakaling magpataw ng suspension ang FIBA sa mga Gilas players at kung masasakop ang mga laro ng mga ito sa PBA.

Muli nitong inulit na kung mangyari aniya ito ay agad silang maghahain ng apela na makalaro pa rin sa PBA sina Roger Pogoy, Terrence Romeo, Jayson Castro, Troy Rosario, Calvin Abueva, Matthew Wright, Carl Bryan Cruz, at Allein Maliksi.

Kung sakali naman aniyang hindi na payagan pang lumahok ang mga players sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa 2018 Asian Games, handa naman ang PBA na magpahiram muli ng mga bagong players na bubuo sa national team.