Sasamantalahin umano ng Australia ang pagkakataon na makaganti sa Spain sa nakatakda nilang paghaharap mamaya sa semifinals ng 2019 FIBA World Cup sa China.
Noon kasing 2016 Rio Olympics sa Brazil ay binigo ng Spaniards ang Boomers sa bronze medal game, kung saan nagtapos ang laban sa iskor na 89-88.
Ayon kay Australia center Andrew Bogut, hinding-hindi raw nila malilimutan ang nasabing araw at gagawin nila ang lahat upang makabawi sa pamamahiya sa kanila ng European powerhouse.
“We remember that game. We’ve held that for three years. Would’ve been our first chance at a medal, and we’ve held on that, spoke about it numerous times, and it still hurts today. But, we have a chance to salvage that in a couple days,” wika ni Bogut.
Sinabi naman ni head coach Andrej Lemanis, ang tinanggap nilang sakit sa naturang pagkabigo ang naging driving force para umigting ang kanilang passion at focus sa torneyo.
Sa kabilang panig, inihayag naman ni Spain big man Marc Gasol na isa sa magiging puhunan nila ang depensa para patuloy na payukuin ang Australian squad.
“I only look at the challenge that’s in front of us. Let’s see where that takes us. The competition is wide open, we’ve said it before. I think we raised our level of competition when the stakes are higher, especially defensively I thought we did a great job. It’s the time to do it,” ani Gasol.
Tingin ng mga observers, kinakailangang gumana ang defensive rotations kung ayaw nilang mabaon ng Australia na kilala sa kanilang potensyal sa scoring.
Magtutuos ang dalawang koponan sa Beijing sa ganap na alas-4:00 ng hapon.