-- Advertisements --

Mistulang dininig ang panalangin ng coaching staff ng Team Pilipinas matapos na makaiwas na mapunta sa tinaguriang “group of death” sa katatapos lamang na FIBA World Cup Draw sa Shenzhen, China.

Pigil ang hininga ng lahat nang ianunsiyo ng NBA legend na si Kobe Bryant ang “Philippines” na napunta sa Group D.

Binubuo ang Group D ng mga national teams na makakalaban ng Pilipinas ang powerhouse Italy, Serbia at Angola na ang venue ay sa Fushan, China na magsisimula sa buwan ng Agosto.

Ang kinatatakutan kasi ng Pilipinas ay kung saan nandoon ang Team USA na binubuo ng mga NBA all stars.

Sa kanyang mensahe mula sa China, agad na ipinaabot ni Samahang ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio ang resulta ng star-studded draw.

Al Panlilio @APan9
“This is it!! Group D #parasabayan 🇵🇭 @ Shenzhen, Guangdong…#parasabayan 🇵🇭”

Para kay dating Gilas coach Chot Reyes, agad nitong idineklara na may pag-asa kahit papaano ang mga Pinoy sa Group D.

Noong 2014 FIBA Basketball World Cup sa Spain ay hinawakan ni Reyes ang national team Gilas Pilipinas na nagtala ng 1-4 record kung saan ang tanging panalo ay kontra sa Senegal.

Chot Reyes‏ @coachot
“Serbia, Italy, Angola, … by no means easy but not a bad draw at all. #maypagasa #💪🇵🇭❤️”

Samantala una nang kinumpirma sa Bombo Radyo ni national team head coach Yeng Guiao ang kanilang paglalayon na makabuo din ang Pilipinas ng “dream team.”

Ito ay kung makuha ng bansa ang serbisyo ng NBA star at Fil-Am player ng Cavs na si Jordan Clarkson upang i-partner kay Blatche.

Kung maaalala ang naturalized player na si Blatche ay dati ring NBA player.
Sa ngayon kumikilos umano ang SBP ng tahimik para makumbinsi ang FIBA na payagang makalaro sa Team Pilipinas si Clarkson.

Ang FIBA games na gagawin mula August 31 hanggang September 15, 2019 ay nagkataon namang break ang NBA regular season.

Sa ngayon hindi pa matiyak ni Guiao kung mananatili ang line up ng national squad na huling lumaban sa Asian Qualifiers na binubuo nina
Blatche, Jayson Castro, Mark Barroca, Paul Lee, Marcio Lassiter, Troy Rosario, Gabe Norwood, Poy Erram, Thirdy Ravena, June Mar Fajardo at Roger Pogoy.

Nang mag-qualify ang Pilipinas noong 2014 sa World Cup sa Spain makalipas ang 40-taon, ang 12-man line up ay binubuo nina Blatche, Jimmy Alapag, LA Tenorio, Jeff Chan, Jayson, William/Castro, Gary David, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood, June Mar Fajardo, Paul Dalistan/Lee, Japeth Aguilar at Marc Pingris.

Bigo mang makausad ang Gilas sa second round ay umani naman ito ng paghanga dahil pawang close games ang pagkatalo sa mga teams ng Greece, Croatia, Argentina at Puerto Rico.