-- Advertisements --

Pinag-iisipan ngayon ng coaching staff ng Gilas Pilipinas ang kanilang susunod na hakbang matapos na mabigo silang makuha ang serbisyo ng Spanish trainer at physiotherapist Jaime Capella para sa darating na FIBA World Cup.

Ayon kay Gilas head coach Yeng Guiao, hindi raw kasi nakakuha ng permiso si Capella sa kanyang mother ballclub na makabiyahe patungo dito sa bansa.

Kaya sinabi ni Guiao, pag-iisipan raw nila kung kailangan pa nilang magbitbit ng isa pang trainer sa China.

“So medyo pag-iisipan pa natin kung kailangan pa ba tayong magdala ng isa pang trainer or si Dexter (Aseron) na lang yung dati nating trainer ay kakayanin na,” wika ni Guiao.

Nakasama ng Gilas si Capella sa kanilang 10 araw na training camp sa Spain, at siya rin ang nag-alaga kay team captain Gabe Norwood nang dumanas ito ng mild groin strain.

Si Capella rin sana ang tutulong sa pagpapakondisyon ni naturalized player Andray Blatche.

Samantala, sinabi ni Guiao na nasa 70 hanggang 75% na raw na nasa kondisyon ang pangangatawan ng naturalized big man.

“Tingin ko malaki na yung ini-improve niya. But we only have two weeks to bring him up to close to maybe 90-95 percent conditioning. So yun ang pinag-i-isipan pa namin ngayon, although siguro in the coming few days bibigyan din natin ng solusyon yan,” anang Gilas coach.