Binigyang-diin ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na hindi nila babalewalain ang koponan ng Angola sa paghaharap nila sa group phase ng 2019 FIBA World Cup.
Ito’y kahit nakatutok ngayon nang lubos ang Pinoy team sa kanilang buwena manong laban kontra Italy sa darating na Sabado.
“We cannot take Angola for granted. Even if we win against Italy, but we lose to Angola, useless ang lahat,” wika ni Guiao. “Assume na natin na matalo tayo sa Serbia … We already have scouting materials against Angola. As soon as we are done with Italy, tsaka lang naman pag-aaralan or magfo-focus doon.”
Ayon kay Guiao, kahit na bahagyang mataas ang Pilipinas sa FIBA rankings na nasa ika-31 puwesto kumpara sa Angola na nasa 39th, magkasing-importante ang panalo sa Angola at ang plano nilang pagpapayuko sa Italy.
“If we are successful against Italy, we have to beat Angola to make the next round. If you don’t, walang kwenta yung panalo mo sa Italy. We are not taking it for granted,” ani Guiao.
Nagtapos na may 9-3 record ang Angola sa African Qualifiers para sa World Cup.
Una nang sinabi ni Guiao na ang laban nila sa Italy ang pinakamahalagang laban para sa national squad, na siyang magdedetermina sa kapalaran nila sa unang round.
Tanging ang Top 2 teams lamang kada grupo ang uusad sa Round of 16, habang ang mga malalaglag na bansa ay tutungo sa classification phase.