-- Advertisements --

Sumabak sa huli nilang ensayo ang Philippine men’s basketball team dito sa bansa bago ang pagbiyahe nila patungong China para sa 2019 FIBA World Cup.

Labing-isa sa 12 players sa opisyal na roster ng Gilas Pilipinas ang dumalo sa training na isinagawa sa Meralco Gym sa Pasig City kaninang hapon.

Tanging si CJ Perez lamang ang hindi nakadalo dahil sa personal na lakad.

Ipinamigay na rin kanina ang supplies na gagamitin ng mga Pinoy cagers para sa World Cup kabilang na ang kanilang mga jerseys, sapatos, at luggage na isyu sa koponan.

Maliban dito, ang coaching staff sa pangunguna ni head coach Yeng Guiao ay nanood ng game films bilang paghahanda sa kanilang mga kalaban.

Unang haharapin ng Gilas ang Italy sa Sabado, na susundan ng Serbia sa Setyembre 2, at Angola sa Setyembre 4.

Ayon kay Guiao, finishing touches at mangilan-ngilang adjustments na lang ang kanilang ginawa bago sila bumiyahe sa China bukas ng umaga.

“Right now, we’re just putting the finishing touches and making the final adjustments,” wika ni Guiao. “Hopefully, we’ve done our best to be as ready as we can be.”