-- Advertisements --

Lumasap agad ng pagkatalo ang Philippine men’s basketball team matapos silang durugin ng Italy, 62-108, sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa group phase ng 2019 FIBA Basketball World Cup sa China.

Sa first quarter pa lamang ay pinatunayan ng Italy kung bakit sila ang No. 13 sa buong mundo kung saan naging mainit ang kanilang 3-point shooting, na hindi natugunan ng Gilas.

Hindi na nakabangon pa sa mabagal na panimula ang mga Pinoy na gumawa lamang ng apat sa 13 tira, maliban pa sa walong turnovers sa nasabing yugto na sinamantala ng Italian squad.

Agaw-pansin sa laban ang panonood nang personal ni Pangulong Rodrigo Duterte, na una nang inihayag na wala raw laban ang Pilipinas sa Italy.

Dahil dito, lalong naipit ang Pilipinas dahil sa kinakailangan nilang talunin ang malakas at heavy favorites na Serbian team, at ang koponan ng Angola para makapasok sa second round.

Kapwa tumipa ng 17 points sina Luigi Datome at Amadeo Della Valle para akayin ang Italian team.

Sumandal naman ang mga Pinoy kay Andray Blatche na pumoste ng 15 points at 10 rebounds, at kay CJ Perez na mayroon ding 15 points.

Una nang sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na ang Italy game ang pinakamahalaga sa lahat ng kanilang mga laro sa torneyo.

Paliwanag ni Guiao, sakaling mabigo sila sa Italy ay napakalabo na raw ng tsansa na makausad pa sila sa susunod na round.

Narito ang mga iskor:

Italy 108 – Datome 17, Della Valle 17, Gallinari 16, Belinelli 9, Tessitori 9, Biligha 8, Brooks 8, Hackett 7, Filloy 7, Abass 2, Vitali 2.

Gilas Pilipinas 62 – Perez 15, Blatche 15, Fajardo 9, Bolick 6, Ravena 5, Rosario 2, Almazan 2, Aguilar 2, Pogoy 2, Lee 2, Barroca 2, Norwood 0.

Quarterscores: 37-8; 62-24; 85-39; 108-62