Aarangkada na ang quarterfinals ng FIBA World Cup na ginanap sa China.
Unang maghaharap dakong ala-siyete ng gabi ang Argentina na nanguna sa Group B kontra sa Serbia na siyang bumandera sa Group D.
Sa pangalawang laro ngayong araw ay pagkakataon ng Spain na siyang nanguna sa Group C kung saan haharapin ang Poland na naghari sa Group A.
Bukas naman ay makikipagtuos ang defending champion USA na nanguna sa Group E laban sa Team France na umangat sa Group G.
Sa pangalawang laro sa quarterfinals ay makikita naman Australia na nanguna sa Group H upang subukan ang Czech Republic na nanguna sa Group E.
Naging kontrobersiyal ang pagpasok ng Czech kagabi dahil kahit na talo sila sa Greece, 84-77 ay pasok pa rin sila.
Ito ay matapos na hindi madala ng Greece sa mahigit na 12 points na kailangan ang kalamangan sa kanilang game.
Naging kontrobersiyal pa ang laro ng Greece at todo ang reklamo sa mga officiating officials nang patawan ng foul ang NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo sa fourth quarter.
Kinikwestyon ng Greece ang pagtawag ng foul kay Giannis, kaya naman pinapa-ban ang referees.
Labis ang pagkadismaya ng koponan lalo na at mataas ang pagtingin ng kanilang mga kababayan na babandera ito sa finals dahil na rin sa presensiya ng kanilang superstar player na si Antetokounmpo.
Binatikos naman ng coach ang referee dahil sa hindi pagbibigay respeto at pagkilala kay Giannis.
“He came every day to fight on the court, of course he did not get the respect he wants and I mean about the two fouls he received today, the third and the fifth,” ani Greece coach Thanasis Skourtopoulos.