Wala umanong balak ang Serbia na maliitin lamang ang Gilas Pilipinas sa pagtutuos ng dalawang national teams mamaya para sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Target ngayon ng mga Serbians na madagit ang ikalawa nilang sunod na panalo sa group phase ng torneyo.
Ayon kay Serbia coach Sasha Djordjevic, na-scout na raw nila ang Pilipinas bago pa man harapin ng Gilas ang Italy noong Sabado.
Sinabi ng head mentor, paghahandaan daw nila ang Gilas katulad ng mga nakalipas na laban ng mga Serbians.
“There will be no difference in the approach of the game. We prepare each and every game the same way all the necessary information that we can give to the players,” wika ni Djordjevic.
Kinokonsidera ngayon ang Serbia bilang isa sa mga paborito na magwagi sa World Cup ngayong taon at sinasabing malaking balakid umano sa pagdepensa ng titulo ng Team USA.
Samantala, tiniyak naman ni Gilas coach Yeng Guiao na hindi na nila uulitin ang mga pagkakamali nila sa masaklap na pagkatalo nila sa Italy game.
Ani Guiao, bagama’t aminado silang dadaan muna sila sa butas ng karayom bago magapi ang Serbia, ibubuhos daw nila ang lahat ng kanilang makakaya.
“There’s still games left. We need to pick up the pieces and put everything together to play a better game against Serbia,” anang coach. “We look forward to playing Serbia, having made the corrections from the last game.”