CENTRAL MINDANAO – Nagbalik loob sa gobyerno ang dalawang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga rebelde na sina Abubakar Kautin alyas Kumander Buba, field commander ng BIFF at high value target ng militar.
Kasama ni Buba na sumuko si Kautin Said, ilang mga residente ng General Salipada K. Pindatun sa Maguindanao.
Ayon sa tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division na si Lt. Col. Edgardo Vilchez na sumuko ang dalawang BIFF sa tropa ng 40th Infantry Battalion Philippine Army sa GSK Pindatun, Maguindanao.
Ang dalawang terorista ay matagal nang pinaghahanap ng militar at pulisya na nagtatago sa Liguasan Delta at mga tauhan ni Kumander Ustadz Karialan.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang M16 armalite rifle, isang M1 garand rifle, mga bala at mga magazine.
Nagpasalamat naman si 40th IB commander Lt. Col. Rogelio Gabi sa LGU-GSKP sa pamumuno ni Mayor Rafsanjani Ali na tumulong sa pagsuko ng dalawang terorista na gusto ng magbagong buhay at mamuhay ng mapayapa.
Hinikayat din ni 6th ID chief, Maj. Gen. Diosdado Carreon ang ibang BIFF na sumuko na habang hindi pa huli ang lahat.