Pinatawan ng FIFA ng lifetime ban ang dati nitong vice president na si Eugenio Figueredo sa lahat ng mga football activities matapos itong mapatunayang guilty sa bribery.
Sa pahayag ng world governing body ng soccer, inakusahan si Figueredo na tumanggap ng suhol mula 2004 hanggang 2015 kaugnay sa commercial deals para sa soccer competitions sa South America.
Maliban dito, pinagmumulta rin si Figueredo ng 1 million Swiss francs o mahigit P50-milyon, ngunit hindi pa malinaw sa ngayon kung papaano ipatutupad ng FIFA ang pagbabayad.
Si Figueredo, na dati ay FIFA executive committee member, ay dinakip noong Mayo 2015 sa isang five-star hotel sa Zurich.
Nabilanggo ito ng pitong buwan bago i-extradite ito ng Swiss authorities upang harapin ang kasong kriminal sa Uruguay. (AP)