-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga biktima ng ramming attack sa Vancouver ang mga Filipino American singers na sina Apl.de.ap at J. Rey Soul na nag-perform sa Filipino event na Lapu-Lapu Day festival bago naganap ang malagim na trahediya.

Sa isang statement sa kaniyang Instagram account, sinabi ng Fil-Am rapper at singer at founding member ng Black eyed peas na si Apl.de.ap na nakikidalamhati siya sa mga biktima, kanilang pamilya at sa lahat na apektado ng trahediya sa Lapu-Lapu festival.

Aniya, katatapos lamang nilang mag-perform sa naturang festival at umalis sa stage ilang minuto lamang bago mangyari ang trahediya. Hindi din nito maipaliwanag ang pagkabigla at bigat na kanilang nararamdaman sa nangyari.

Pinasalamatan din nila ang kanilang fans na kinamusta ang kanilang kalagayan at nanawagan na ipagdasal ang mga biktima, kanilang pamilya at organizers sa naturang event na nangangailangan ngayon ng pagmamahal at lakas.

Pinuri din ni Apl.de.ap ang kalakasan at katatagan ng mga Pilipino sa gitna ng mahirap na sitwasyong ito.

Ibinahagi din ng kabanda ni Apl.de.ap at lead singer ng Black eyed peas na si J.Rey Soul ang post ng una at sinabi sa kaniyang comment na shock pa rin siya sa nangyari at devastated sa nangyaring trahediya. Nagpaabot din ito ng pagmamahal at dasal para sa lahat ng apektadong pamilya at sa lahat ng mga Pilipino sa British Columbia.