Nagdeklara ang Filipino-American guard na si Remy Martin na magpapa-draft na sa NBA.
Sa isang pahayag, sinabi ni Martin na bata pa lamang siya ay pangarap na niyang makapaglaro sa prestihiyosong basketball league sa buong mundo.
“Starting from a young age, I have worked towards the opportunity to play in the NBA and I have now decided to take another step into making my dream a reality,” wika ni Martin.
Nagpasalamat din ito sa panahong iginugol niya sa Arizona State University sa loob ng halos tatlong taon.
Naging malaki ang ginampanang papel ng 6-foot guard sa Arizona State kung saan ginabayan nito ang Sun Devils na makapasok sa NCAA Tournament sa unang pagkakataon sa loob ng apat na taon.
Ayon naman kay Arizona state coach Bobby Hurley, buo ang kanyang suporta sa naging desisyon ng 20-anyos na si Martin.
Sa Pilipinas ipinanganak ang ina ni Martin, na kalaunan ay nag-migrate sa Estados Unidos para magtrabaho bilang nurse sa Los Angeles.