-- Advertisements --

Hindi pa umano gamay ng Filipino American player na si Jordan Clarkson ang bagong team pero agad itong nagpasiklab para tulungang masilat ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 120-107.

Nagtala si Clarkson sa kanyang second game sa Jazz ng 19 points kabilang na ang isang three-pointer.

Lalo tuloy siyang umani ng paghanga dahil sa tamang-tama raw ang laro niya sa pangangailangan ng team.

Kung maaalala mula sa Cavs ay na-trade si Clarkson at sa unang gamè niya sa Utah kahapon ay buwena mano siyang may 9 points.

Ayon sa Fil Am mabilis naman siyang natututo sa diskarte ng bagong koponan dahil sa tulong na rin ng kanyang mga bagong teammates.

Sa panalo nila sa Clippers nanguna sa opensa si Donovan Mitchell na may 30 big points.
Sinamantala ng Jazz ang kamalasan ng Clippers na walang naipasok sa mahigit tatlong minuto na nalalabi sa huling bahagi ng game.

Inalat pa si Paul George na merong 19 points at si Kawhi Leonard ay nagtapos ng 20.
Inamin naman ni Leonard na masama ang kanyang pakiramdam pero hindi raw ito ang dahilan kaya sila natalo.

Malaki naman aniya ang tiyansa na makuha sana nila ang ika-24 na panalo pero sadyang marami silang mga mintis na open shots.

Sa ngayon gumanda pa sa 20-12 ang kartada ng Utah.