-- Advertisements --

Bumawi sa kanyang laro ang Filipino American star na si Jordan Clarkson upang bitbitin ang Utah Jazz sa panalo kontra Atlanta Hawks sa score na 116-98.

Kumamada ng season high na 30 points si Clarkson (10-of-19 shooting) kasama na ang apat na three point shots, apat na rebounds, at tatlong assists upang pangunahan ang Utah sa kanilang ika-pitong panalo.

JC jordan clarkson
Fil Am Jazz star Jordan Clarkson

Una rito, nitong nakalipas na Miyerkules ay inalat sa kanyang laro ang reigning 6th Man of the Year ng NBA.

Gayunman sa laro kanina hindi na nagpaawat si Clarkson sa init ng kamay upang punan ang hindi paglalaro ng kanilang main man na si Donovan Mitchell dahil sa injury.

Maging ang star player ng Atlanta (4-5) na si Trae Young na may 21 points at pitong assists ay wala ring nagawa sa walang humpay na opensa at depensa na inilatag ng Jazz.

“Everybody just coming up to me and saying “J.C., keep shooting,” “keep shooting,” kwento pa ni Clarkson. “They believe in me and believe in what I can do. It’s beautiful.”

Sumuporta rin naman sa diskarte sa panalo ng Jazz ay sina Bojan Bogdanovic na may 23 points, Rudy Gobert na nagpakita ng 15 rebounds at may 13 points upang dominahin nila ang boards sa 47-32 record.

Ang sunod na makakalaban ng Jazz sa Linggo ay dadayuhin nila ang Miami, samantalang tatangkaing makabawi ng Hawks sa Phoenix.