BAGUIO CITY – Itinalagang bagong Attorney General ng estado ng California sa Estados Unidos ng Amerika ang isang Filipino American.
Sa pagharap sa publiko ni California Governor Gavin Newsom sa isang makasaysayang hotel sa Manilatown, San Francisco, ipinahayag niya ang pagtalaga niya kay Fil-Am Robert Andres Bonta sa nasabing posisyon.
Dahil dito, si Bonta ang kauna-unahang Fil-Am na Attorney General sa estado ng California.
Sinabi naman ni Bonifacio Gulla mula Temecula, California na dahil sa bagong posisyon ni Bonta ay aalis na ito bilang Assemblyman ng 18th District ng California at ito rin ang kauna-unahang Fil-Am na inihalal sa California State Legislature.
Napag-alaman na ang ina ni Bonta ay isang social activist na lumaban para sa mga karapatan ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Ipinanganak si Bonta sa Quezon City at lumipat ang pamilya nila sa California ng dalawang buwan pa lamang ito.