ILOILO CITY- Inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si former US House of Representatives member Terrance John “TJ” Cox sa California dahil sa fraud charges.
Si Cox na isang 59 anyos na Filipino-American,ay nahaharap sa 28 counts ng fraud charges kabilang dito ang 11 counts ng money laundering at one count ng campaign contribution fraud na inihain sa US Department of Justice.
Ayon kay Bombo International Correspondent Dee Donasco Thompson, Inakusahan si Cox ng paglipat ng mahigit $1.7 million o tinatayang nasa 94 million pesos na client and company funds, investments and loans sa hindi otorisadong off-the-books bank accounts sa pamamagitan ng pekeng representasyon.
May alegasyon din laban sa kanya na ginamit niya ang kanyang kandidatura noong 2017 upang illegal na i- reimburse ang kanyang pamilya at mga kaibigan ng $25,000 o P1.4 million para sa pekeng campaign contributions.
Ipinag-utos ng korte ang temporary release kay Cox matapos nitong sinurrender ang kanyang passport at travel documents.
Kapag napatunayang guilty, siya ay maaring makulong ng 55 taon at multang $2 million o mahigit P111 million pesos.
Nakatakdang humarap ito sa korte sa ikalabingdalawa ng Oktubre 2022.
Si Cox ay anak ng Chinese at Filipino immigrants,at nagsilbing Democratic representative ng Fresno mula 2019 hanggang 2021. Siya ang nag-iisang Filipino-American member ng 116th United State Congress.