-- Advertisements --

Arestado ang isang 27 anyos na Filipino-American na si Judd Sanson na umano’y konektado sa Jihadist terror group sa New York City, USA.

Humarap ang naturang suspek sa Queens Criminal Court sa New York nitong Lunes.

Ayon kay Office of Queens District Attorney Melinda Katz, naaresto ng police officers si Sanson sa isang traffic stop noong Miyerkules, Hunyo 12 at naaktuhang armado ng mapanganib na mga armas sa kaniyang sasakyan na may obscured na plaka.

Namataan din si Sanson na may sasakyang natatakpan ang plaka sa bisinidad ng 86th street at Ditmars sa Queens.

Mahalaga aniya ang mga lokasyong ito kung saan namataan ang suspek dahil mayroong 2 miyembro ang New York Police District sa public safety ang binaril.

Samantala, tumanggi ang abogado ni Sanson na si Thomas Michael Montella sa presensiya ng media sa loob ng courtroom dahil naniniwala ito na hindi patas na gumawa ng konklusiyon sa kaso ng kaniyang kliyente kapag naisapubliko ang mukha nito gayong hindi pa napapatunayan ang mga alegasyon at wala pang naihaharap na ebidensiya subalit ibinasura naman ng hukom ang pagtutol ni Montella.

Nakatakda namang tukuyin ng grand jury kung may sapat na ebidensiya para sa trial ng criminal charges ni Sanson at kung sakali man ay muling haharap sa korte si Sanson sa Hulyo 9.