Kulong ang Filipino American (Fil-Am) at 23-taong-gulang na si Kyle Chester De Los Reyes sa kasong pagpatay sa tatlong miyembro ng kanyang pamilya sa Baldwin Park, California, USA.
Ayon sa mga awtoridad naganap ang karumal-dumal na krimen isang araw pagkatapos ng Pasko kung saan sinampahan si De Los Reyes ng three counts of murder.
Ang mga biktima ay kinilala ng Los Angeles County Medical Examiner’s Office bilang sina Mia Chantelle Narvaez, 8 taong gulang, Paul Sebastian Manangan, 16 taong gulang, at Rona Nate, 44 taong gulang na nagtamo ng maraming saksak sa parte ng kanilang mga katawan na kanilang ikinamatay.
Ayon sa mga awtoridad, sinubukang tumakas ni De Los Reyes mula sa lugar, ngunit siya ay nahuli ng mga opisyal kaagad pagkatapos nilang dumating sa pinangyarihan bandang 6:48 p.m
Inilahad naman ng mga saksi ang nakakagimbal na sigaw mula sa mga bahay ng biktima kung saan narinig nito ang paghingi ng saklolo ni ‘Mia’ na isa sa mga pinatay ng suspek.
Isa pang kapitbahay ng mga biktima ang nag-ulat na narinig nila ang malalakas na tunog at isang sumisigaw na lalaki na sinundan ng isang malakas na kalabog, na posibleng nagpapahiwatig ng isang lumaban o marahas na pangyayari sa loob ng bahay.
Kaugnay nito tiniyak ng opisina ng district attorney na nagsusumikap sila upang makamit ang katarungan para sa mga biktima, at binigyang-diin ang matinding epekto ng krimen sa kanilang komunidad.
Samantala nananatili naman si Delos Reyes sa Baldwin Park Police Department na ‘walang kaukulang piyansa at nakatakdang humarap sa arraignment sa Enero 15, 2025 sa isang hukuman sa Pomona, California.