Ipinaliwanag ngayon ng Filipino-Japanese golfer na si Yuka Saso ang kanyang naging desisyon na piliin ang Japanese kaysa sa Filipino citizenship.
Sinabi ni Saso na base raw kasi sa batas ng Japan, kailangan nitong mamili na ng kanyang citizenship bago mag-22-anyos.
Magiging 22-anyos na ang Fil-Japanese golfer sa Hunyo 20, 2023 kaya naman sinumulan na nito ang pagproseso sa kanyang citizenship.
Nagpasalamat naman ito sa kanyang mga Filipino at Japanese fans na sumuporta at rumispeto sa kanyang desisyon.
Para kay Philippine Olympic Committee (PoC) President Bambol Tolentino, naiintindihan daw niya ang desisyon ng world champion dahil mas maganda ang makukuha nitong benepisyo sa Japan.
Kabilang na rito ang social service, healthcare service at sponsorships.
Nasa peak na rin daw ito ng kanyang career sa larangan ng golf kayat kailangan niyang piliin ang Japan dahil mas malaki ang suportang kanyang makukuha doon sa mga dadaluhang tournament.
Kung maalala, si Saso ay naging two time gold medalist sa 2018 Asian Games at naging kinatawan ng bansa sa Tokyo Olympics at naging kampeyon din ito sa 2021 US open.
Itinuturing pa rin naman siyang golfing hero ng Pilipinas ng National Golf Association of the Philippines.