Abot kamay na umano ni Filipino-Japanese judoka Kiyomi Watanabe ang puwesto sa Tokyo 2020 Olympic Games.
Ayon kay Philippine Judo Federation President Dave Carter, tanging ang top 26 judokas sa buong mundo lamang sa bawat weight class ang makakausad sa Tokyo 2020.
Si Watanabe ay kasalukuyang nasa ika-23 puwesto sa women’s -63 kgs.
Paliwanag ni Carter, ang kailangan na lamang gawin ni Watanabe ay lumahok sa mga nalalabing Olympic qualifying tournaments para mapanatili ang kanyang ranking.
Malaki rin aniya ang tsansa ni Watanabe na direktang ma-qualify sa Olympics dahil may ilang mga bansa na may mahigit sa isang judoka sa top 26 ng women’s 63-kg division.
Sang-ayon sa panuntunan, isa lamang ang maaaring ipasok na pambato ng bawat bansa sa kada weight class sa Olympics.
Ani Carter, may apat na judokas ang Japan sa top 26; tatlo sa Great Britain; habang mayroon din mula sa Netherlands, Slovenia, China at Brazil.
Bago ang 30th Southeast Asian Games, nakatakda namang sumabak si Watanabe sa Osaka World Championships sa susunod na buwan, na siyang huling Olympic qualifying para ngayong taon.
Matapos nito, lalahok pa sa tatlong qualifying tournaments si Watanabe sa susunod na taon bago ang cut off sa Hulyo.
Kumpiyansa naman si Carter na makakamit ni Watanabe ang kanyang pangarap na Olympiyada, lalo pa’t buhos ang suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang ensayo at sa sinasalihan nitong international competition.
Samantala, target din ni Watanabe, na 3-time Southeast Asian Games gold medalist sa kanyang weight class, na sungkitin ang kanyang ikaapat na ginto sa ika-30 bersyon ng regional showpiece.
Kumpiyansa si Carter na kaya ng Pilipinas na humakot ng anim hanggang pitong medalya sa 16 judo events.