-- Advertisements --

SAN FERNANDO, Pampanga – Matagumpay na nasungkit ng Filipino-Japanese judoka na si Mariya Takahashi ang kanyang back to back gold medals sa Southeast Asian (SEA) Games.

Ito’y makaraang gulatin ni Takahashi ang kalaban nitong Thai judoka sa pamamagitan ng come from behind win sa nilahukan nitong women’s -70 kgs event.

Sa bunuang ginanap sa Laus Convention Center sa San Fernando, Pampanga, kinailangan lamang ng halos dalawang minuto ni Takahashi upang patumbahin si Surattana Thongsri para maibigay ang ikatlong gintong medalya ng judo sa biennial meet.

Nagreyna si Takahashi sa pamamagitan ng ippon o katumbas ng knockout sa larangan ng boxing na may kaakibat na 10 puntos.

Una rito, natalo si Takahashi sa kamay ng Indonesian na si Ayu Kakihara via wazari o one-point win.

Iniligtas din ng 18-year-old judoka ang Pilipinas dahil sa kinapos ang mga gold medal hopefuls ng bansa na sina Ryoko Salinas, Shin Matsumura, John Ferrer at Carl Aseneta sa kani-kanilang mga events.

Sa kabila nito, kumolekta naman sila ng mga bronze medals sa repechage.

Kahapon nang nakatipon ng dalawang gintong medalya ang mga pambato ng Pilipinas sa judo, partikular sina Kiyomi Watanabe at Shugen Nakano.

Ayon kay Philippine Judo Federation president David Carter, inaasahan pa nila na hahakot sila ng karagdagang mga medalya sa huling araw ng kompetisyon ngayong araw.