LOS ANGELES – Natuldukan na rin ng Los Angeles Lakers ang kanilang sunod-sunod na anim na talo matapos na masilat ang Minnesota Timberwolves sa overtime game, 130-119.
Mistulang nakatulong sa pagbibigay inspirasyon sa laro ng Lakers ang presensiya ng Hall of Fame center na si Shaquille O’Neal.
Nagawa rin kasing mag-rally ng Los Angeles mula 15 point deficit sa third quarter at nahabol ang Wolves.
Nanguna sa opensa ng Lakers ang Filipino-American na si Jordan Clarkson na nagtala ng career high na 35 points at walong 3-pointers.
Nagpakitang gilas si Clarkson dahil noong nakaraang araw ay limang puntos lamang ang kanyang nagawa nang talunin naman sila ng Clippers.
Dahil sa kanyang performance, puring puri ni Lakers coach Luke Walton si Clarkson, na ang ina ay isang Pinay.
Bumalik daw kasi ang “spark” sa kanyang game na dati naman niyang nagagawa sa buong season.
Tumulong din naman si Julius Randle na may 23 points at 12 rebounds para sa team bagamat tanggal na sa NBA playoffs ang Lakers (21-51).
Sa panig ng Minnesota nanguna naman si Andrew Wiggins na may 36 points bago na-foul out kahit 1:17 minuto pa ang natitira sa overtime game.
Ito na ang ikalimang sunod na talo ng Wolves (28-43).