Lumutang ngayon ang isyu na balakin din ng Los Angeles Lakers na pakawalan ang Fil-Am player na si Jordan Clarkson para ma-trade kapalit ng mas mga bigating players sa free agency.
Sa loob kasi ng tatlong taon ay nakatakdang kumita si Clarkson ng $37.5 million kung kaya’t kung pakawalan ito ay lalakas pa ang panghatak ng Lakers na makakuha ng mas magaling pang players.
Tinatayang ang cap ng Lakers ay aabot pa sa $59.4 million kung mabitawan si Clarkson.
Nandiyan din sina Luol Deng at Julius Randle na maaari ring isalang sa trade ng Lakers para makawala lamang sa pagiging kulelat ang team.
Sinasabing kabilang sa pinupuntirya ng Los Angeles ay si Paul George at maari ring si LeBron James o kaya ang NBA MVP na si Russel Westbrook.
Una nang pinakawalan ng bagong Lakers president na si Magic Johnson ang kanilang 2015 No. 2 draft pick na si D’Angelo Russell at ang big man na si Timofey Mozgov.