LOS ANGELES – Halos mag-isang binitbit ng Filipino-American player na si Jordan Clarkson ang Los Angeles sa third quarter ng laro para mahabol ang kalamangan ng karibal na Boston Celtics.
Hindi pa rin umubra ang pagsisikap ni Clarkson na nagtapos sa 20 points mula sa bench at ipalasap sa kanila ng Boston ang 95-115 na score.
Ito na ang ika-anim na sunod na talo ng Lakers mula ng magkaroon ng All-Star break.
Umabot sa 31 points ang abanse ng Celtics sa third quarter, pero dito na kumamada ng kanyang 13 points si Clarkson sa huling scores ng Los Angeles.
Naibaba pa ito sa sa four points na kalamangan samantalang nasa 4 1/2 minutos ang natitira.
Gayunman pagsapit ng fourth quarter, dito muli tumirada nang sunod-sunod na puntos ang Boston para ilagay ang score sa 93-78.
Aminado naman si Clarkson, 24, na hirap ng mahabol ng Lakers (19-43) ang Celtics (40-22), pero ayaw pa rin niyang sumuko.
“We knew the game was out of hand, but I was just trying to compete,” ani Clarkson.
Sa kampo ng Celtics si Isaiah Thomas ay nagtapos ng 18 points.
Samantala, inaasahang magiging malaki pa ang papel ni Clarkson sa team makaraang malipat ang kanyang “bench-mate” na si Lou Williams patungo sa Houston Rockets.
Ang bench ng Lakers ang itinuturing na highest scoring sa NBA ngayong season.
Aminado si Jordan na bilang “sixth man” nasa kanya ngayon ang pressure para mag-step up.
Tanggap naman daw niya ito at komportable siya sa bago niyang papel ngayon.
“I feel more comfortable just because there’s a lot of opportunities out there,†wika pa ni Clarkson na ang ina ay isang Pinay at ilang beses nang bumisita ng Pilipinas.
Si Clarkson ay nasa ikatlong taon na ngayon sa team at inaalagaan ng Lakers na hindi mapunta sa “trade talks.”