-- Advertisements --

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Filipina Canadian na si Leyla Fernandez para umusad sa finals sa nagpapatuloy na prestihiyosong US Open.

Makakaharap ni Leyla ang world’s number 2 mula sa bansang Belarus na si Aryna Sabalenka.

LEYLA 1
Fil Canadian sensation Leyla Fernandez

Una rito, sunod-sunod na ginulat ni Fernandez ang mundo ng tennis nang masilat niya ang mga ilang mga higanteng pangalan sa women’s tennis.

Kaninang madaling araw ay nagtala siya ng shocking win kontra sa world’s number 5 na si Elina Svitolina ng Ukraine at nitong nakalipas na araw ay nabiktima rin niya ang dating mga US Open champions at dati ring mga world’s No. 1 na sina Naomi Osaka ng Japan at Angelique Kerber ng Germany.

Ang makakalaban ng 19-anyos (b-day Sept. 6) na si Leyla sa Biyernes na si Sabalenka ay dati ring naging Wimbledon semifinalist noon lamang Hulyo at tinalo ang French Open champion na si Barbora Krejcikova.

Si Fernandez (73rd ranked) na naglalaro sa ilalim ng bandila ng Canada kung saan ang ina ay isang Pinay, ay paborito ngayon ng mga fans sa New York hindi lamang sa impresibo niyang mga laro kundi sa pagiging masayahin na personalidad at puno ng enerhiya.

Sinasabing ang pinakabatang teenager na umani rin ng ganitong atensiyon sa edad na 18-anyos din ay ang Russian tennis star noong 2005 na si Maria Sharapova.