Napunta ang Philippine women’s national football team sa Group A sa katatapos lamang na draw kaugnay sa FIFA Women’s World Cup na magaganap sa New Zealand at Australia sa susunod na taon.
Sa ginanap na official draw sa Auckland ang tinaguriang Filipinas ay nahanay sa co-hosts na New Zealand, Norway at Switzerland.
Bagamat mga bigatin din ang mga ka-grupo ng mga Pinay, nakaiwas naman sila sa powerhouse national team at defending champions na USA na nasa Group E.
Kahanay ng Amerika sa Group E ang Netherlands at ang first-timer din na Vietnam.
Ang world’s No. 53 na Filipinas ay unang makakaharap ang Switzerland (World No. 21) na mangyayari sa siyudad ng Dunedin para kanilang World Cup debut sa July 21.
Susundan ito ng laro nila laban sa Kiwis ang world’s No. 22 na magaganap naman sa Wellington sa July 26.
Huling laro ng Pilipinas ay kontra sa 12th-ranked na Norway na isasagawa sa July 30.
Sinasabing napakahirap ang tatahaking kampanya ng Filipinas dahil kailangan nilang pumwesto sa Top 2 ng kanilang grupo para umusad sa knockout phase.