Wagi sa pangalawang pagkakataon ang Baguio-born Filipino actor na si Van Ferro sa BroadwayWorld Chicago Awards. Naiuwi nito ang Best Supporting Performer in a Play para sa kaniyang pagganap bilang si John N. Fail sa produksiyon na “Failure: A Love Story”.
Noong nakaraang taon ay gumawa na si Ferro ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinoy na nag-uwi ng parangal, at dahil sa panalo niya sa taong ito, ang Pinoy na nga ang first-ever actor na nakatanggap ng back-to-back win sa Chicago.
Sa naging exclusive interview ng Star FM Baguio kay Ferro, nagpapasalamat ito sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kaniya lalo na sa Pilipinas.
“Unang-una, nagpapasalamat ako sa mga taga Baguio, kasi alam ko marami rin sa Baguio ang bumoto [since last year]. Siyempre nagpapasalamat rin ako sa parents ko.
May mensahe rin ito sa mga aspiring Filipino actors, at ibinahagi nito na proud ito na mairepresenta ang talent ng dugong Pinoy sa Estados Unidos.
“Kapag Pilipinong aktor ang lumakad sa audition room, alam nating dekalidad at ang alam nating magaling!” saad nito. “Kung gusto mong maging actor, how far do you want to go? Depende kung gaano kalayo yung gusto mong abutin, ganun yung magiging goal mo eh. Talagang pinagta-trabahuhan yan. We need more actors with conviction and the courage to be able to go out there and audition. The door is open for us, all we need to do is just to walk in.”
Nanalo si Ferro mula sa 61 na mga nominees, at wagi rin naman ang kaniyang kinatampukang dula na “Failure: A Love Story” bilang Best Play.