Itinalaga ni Pope Francis si Filipino Archbishop Adolfo Tito Yllana bilang Apostolic Nuncio sa Israel at Cyprus ganon din bilang Apostolic delegate to Jerusalem and Palestine.
Ang 73-anyos na si Yllana na tubong Naga City ay kasalukuyang Apostolic Nuncio to Australia mula pa noong 2015.
Papalitan nito sa posisyon si Archbishop Leopoldo Girelli na itinalaga bilang Apostolic Nuncio sa India epektibi nitong nakalipas na buwan ng Marso.
Naging representante na rin ng Vatican si Yllana sa apat na kontinente sa Africa, Asia, Europe at Oceania.
Nagtapos siya bilang Doctor of Both Laws sa Pontifical Lateran University of Rome.
Nakumpleto nito ang kaniyang pag-aaral sa Ecclesiastical Academy at noong 1984 ay pumasok siya sa diplomatic service sa Holy See at nagsilbi sa Ghana, Sri Lanka, Turkey, Lebanon, Hungary at Taiwan.
Taong 2001 nang itinalaga siya noon ni Pope John Paul II bilang Apostolic Nuncio sa Papua New Guinea at naging bishop noong Enero 2002 kung saan itinalaga ito sa Solomon Islands.
Itinalaga rin siya ni Pope Benedict XVI bilang Apostolic Nuncio sa Pakistan noong 2006 at Apostolic Nuncio sa Democratic Republic of Congo noong 2010.
Ayon sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP), isa lamang si Yllana sa tatlong Filipino apostolic nuncios na aktibo sa serbisyo na kinabibilangan nina Archbishop Bernardito Auza ang nuncio sa Spain at Archbishop Francisco Padilla ang nuncio naman ng Santo Papa sa Guatemala.