BAGUIO CITY – Pasok at nag-debut sa pangalawang pwesto ng Billboard Next Big Sound Chart ang Filipino boy group na BGYO.
Ang nasabing chart ay nagtatala ng mga fastest-rising artist sa social media at mga streaming platforms sa buong mundo.
Matatandaang gumawa ng ingay ang grupo ng ilabas nila ang kanilang debut single na “The Light” noong Enero lamang.
Sa kasalukuyan ay mayroon na itong mahigit 3 million views sa YouTube.
Sa una ng naging exclusive interview ng Star FM Baguio sa 5-member group na kinabibilangan nina Gelo Rivera, Nate Porcalla, Mikki Claver, Akira Morishita at JL Toreliza, inamin ng mga ito na marami silang goal para sa grupo at para sa OPM.
“Gusto ko pong mag contribute sa OPM ng good songs. Yung pwedeng pakinggan ng lahat. [As a group, sana] makapag-insire kami ng maraming tao not just in the Philippines but in the whole world — yung magkaroon kami ng world tour, and spread the messages of our songs to the people,” pagbabahagi ng 20-year old na si Akira.
Inihayag rin naman ng leader ng grupo na si Gelo na nais nilang mapabilang sa mga artist na magpapakilala ng Pinoy pop sa buong mundo.
“Sa future, ang wish ko lang is makatulong kami kung paano makilala yung P-Pop sa buong mundo,” saad ng 20-year-old young singer.
Ilan naman sa mga unang Pinoy acts na nakapasok sa Billboard Next Big Sound Chart ay ang P-Pop groups na SB19 at Alamat, ang Asia’s Phoenix na si Morisette at ang bandang The Juans.