-- Advertisements --

Makikipagpulong ngayong Biyernes, Abril 11, ang isang Filipino-Chinese business group sa Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang sunod-sunod na kaso ng kidnapping sa bansa, kabilang na ang pagdukot at pagpatay kay Anson Que, isang negosyanteng natagpuang patay sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Cecilio Pedro, dating pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), labis ang kanilang pangamba sa kaso ni Que dahil kahit binayaran ang ransom ay pinatay pa rin ito — isang bagay na ngayon lang umano nangyari.

Tatalakayin sa pulong ang posibleng pagbabago sa proseso ng pagdinig sa mga kasong kidnapping, dahil takot umanong magtestigo ang mga biktima at sadyang matagal ang usad ng kaso sa korte. Nanawagan din si Pedro na ibalik ang death penalty para sa mga kidnapper.

Hinimok niya ang mga kapwa negosyante na maging mapagmatyag at agad tumawag ng mga pulis kapag may panganib sa kanilang buhay.

Tiniyak naman ng Malacañang na kikilos ang pamahalaan sa kaso ni Que.