-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagdadalamhati ang Filipino community sa Canada matapos ang insidente ng pagsagasa ng isang sasakyan sa Vancouver Street festival na nagresulta sa pagkasawi ng 11 katao at maraming iba pang nasugatan ang nananatili sa pagamutan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Betsy Naipul, nakakalungkot aniya kung saan, patapos na ang event at saka nangyari ang tila bangungot na kumitil ng buhay ng ilang Pinoy.

Ipinaabot na lamang ng mga ito ang kanilang dasal at simpatiya sa mga naulilang kaanak at kaibigan ng mga biktima.

Ayon pa kay Naipul, tuwing summer season ay may iba’t ibang festival celebration ang Filipino community sa iba’t ibang bahagi ng Canada kung saan, nagiging pagkakataon ito para sa kanila na magre-connect sa kapwa Pinoy.

Ang Lapu-Lapu Day festival sa Canada ay isang selebrasyon ng pagpapakita ng kultura at katatagan ng mga Pinoy na sinunod sa pangalan ni Lapu-lapu, isang katutubong lider na lumaban sa kolonyalismong Espanyol.

Nabatid na kinasuhan ng British Columbia Prosecution Service ang suspek na si Kai-Ji Adam, 30 anyos, residente ng Vancouver ng 8 counts second degree murder at posibleng madagdagab pa ang kaniyang kinakaharap na kaso na kasalukuyang nasa kustodiya ng local authorities.