GENERAL SANTOS CITY – Komportable at nasa mabuting kalagayan ang mga atletang Pinoy sa ginaganap sa 32nd SEA Games sa Phnom Penh, Cambdia.
Nabatid na full support ang ipinakita ng Filipino Community sa mga Filipino Delegates na lalahok.
Ayon kay Mar Eliser Capunan, Bombo International Correspondent sa Cambodia na ginagarantiya ng pamahalaan ng Kingdom of Cambodia na iaalok sa lahat ng mga delegado ang libreng pagkain, libreng tirahan, at libreng transportasyon.
Ibinunyag ni Capunan, na pananagutan ng gobyerno ng Cambodia ang kaligtasan ng mga atleta maging sa ‘time-in’ ng mga ito upang hindi sila mahuli sa bawat laro na kanilang gagampanan.
Dagdag pa nito na talagang pinaghahandaan ng gobyerno ng Cambodia ang naturang kaganapan, maging ang imprastraktura ay napaganda at pinaganda rin ang kapaligiran.
Makikita rin ang presensya ng mga awtoridad sa Phnom Penh kung saan ginanap ang event para sa seguridad hindi lamang ng mga atleta kundi maging ng mga fans na mula pa sa ibang bansa.
Matatandaan na pormal ng binuksan ang 32nd SEA Games kagabi kung saan nasaksihan ang parada ng mga delegasyon maging ang talent showcase ng host Country Cambodia.
Binanggit din ni Capunan na tuwang-tuwa ang Filipino community sa Cambodia sa presensya ng mga atleta mula sa Pilipinas at ibibigay nila ang kanilang buong suporta para sa mga ito.