KORONADAL CITY – Kahit na apektado ay nagtutulungan sa ngayon ang Filipino Community sa East Java Indonesia upang makaligtas sa epekto ng lava dulot ng pagsabog ng bulkang Semeru na nag-iwan na ng 14 na patay habang daan-daan naman ang mga nasugatan.
Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo Koronadal ni Pastor Jerson Labadia, Bombo International Correspondent sa Indonesia.
Ayon kay Pastor Labadia, napakaraming mga bahay at establisyemento na nasira dahil sa lava at asupre, maging ang mga tulay sa bahagi ng Lumadyag at Mala District na nasa paanan ng nabanggit na bulkan ay nawasak at hindi na madaanan.
Sa ngayon wala namang naiulat na mga Pinoy na kabilang sa mga namatay at nasugatan sa insidente.
Sa obserbasyon ng mga residente doon sa lugar ay nadilim pa rin ang ulap at halos hindi na maaninag ang mga lugar na apektado ng lava.
May mga foundation na rin na tumutulong sa mga apektadong residente maliban sa gobyerno ngunit umaapela pa rin ng tulong ang mga ito.